Posts

Showing posts from October, 2025

Due process

Image
DUE PROCESS "At ang hustisya ay para lang sa mayaman..." - mula sa awiting Tatsulok ng Buklod buti ang mayaman, may due process kahit ang ninakaw na'y bilyones pag mahirap, nagnakaw ng mamon dahil anak umiyak sa gutom walang nang due process, agad kulong - gregoriovbituinjr. 10.29.2025 * mapapanood ang pagbigkas ng tula sa kawing na:  https://www.facebook.com/reel/1474105757002674  

Pandesal, salabat at malunggay tea

Image
PANDESAL, SALABAT AT MALUNGGAY TEA payak lamang ang aking inalmusal malunggay tea, salabat at pandesal sa iwing resistensya'y pampatagal sa takbuhan, di ka agad hihingal ngunit mamaya, mahabang lakaran tungo sa mahalagang dadaluhan dapat may pampalakas ng katawan at pampatibay ng puso't isipan anupa't kaysarap magmuni-muni pag nag-almusal, nagiging maliksi ang kilos, susulat pang araw-gabi ng akdang sa diwa'y di maiwaksi tarang mag-almusal, mga katoto pagpasensyahan lang kung konti ito - gregoriovbituinjr. 10.25.2025

Inumin ng tibak na Spartan

Image
INUMIN NG TIBAK NA SPARTAN tsaang bawang, luya at malunggay ang kadalasan kong tinatagay layon kong katawan ay tumibay kalamnan ay palakasing tunay lalo't araw-gabing nagninilay nagsusulat ng kwento't sanaysay titingala sa punong malabay sa buhawi'y di nagpapatangay kailangan sa mahabang lakbay ay mga tuhod na matitibay uminom ng katamtamang tagay hanggang isipan ay mapalagay pag pakiramdam mo'y nananamlay inom agad ng tsaang malunggay luya't bawang na nakabubuhay aba'y agad sisigla kang tunay - gregoriovbituinjr. 10.23.2025

Inuming malunggay

Image
INUMING MALUNGGAY sampung pisong malunggay ang binili kong tunay sa palengkeng malapit barya man ay maliit nilagay ko sa baso at binantuan ito ng mainit na tubig na panlaban sa lamig layunin ko'y lumakas ang kalamna't tumigas bisig na matipunô at sakit ay maglahò sa malunggay, salamat dama'y di na mabigat ang loob ko'y gumaan pati puso't isipan - gregoriovbituinjr. 10.22.2025

Pag naalimpungatan sa madaling araw

Image
PAG NAALIMPUNGATAN SA MADALING ARAW matutulog akong may katabing pluma't kwaderno na pag pikit na'y may mga paksang dumedelubyo sa diwa, laksang isyu'y lumiligalig ng husto nang maalimpungatan, agad isinulat ito kayâ dapat nakahandâ na ang kwaderno't pluma tulad ng mga Boy Scout na laging handâ tuwina tulad ng aktibistang handâ sa pakikibaka tulad ng makatang Batutè na idolo niya habang napapanaginipan ang sinintang wagas habang protesta ng sambayanan ay lumalakas habang pinapangarap ang nasang lipunang patas habang dumadapong lamok ay agad hinahampas kayâ tayo'y dapat laging handâ kahit lumindol handang tuligsain silang kurakot sa flood control lalo't sa kaban ng bayan bulsa nila'y bumukol handâ pati kwaderno't pluma maging sa pagtutol - gregoriovbituinjr. 10.21.2025

Bawang juice at salabat

Image
BAWANG JUICE AT SALABAT pagkagising sa madaling araw ay nagbawang juice na't nagsalabat habang nararamdaman ang ginaw at sikmura'y tila inaalat pampalakas ng katawan, sabi sa dugo'y pampababa ng presyon pinalalakas ang immunity para rin sa detoksipikasyon para talaga sa kalusugan at panlaban din sa laksang pagod nakatutulong maprotektahan sa ubo't sipon, nakalulugod upang sakit nati'y di lumalâ upang katawan nati'y gumanda ang anumang labis ay masamâ kaya huwag uminom ng sobra - gregoriovbituinjr. 10.20.2025

Paksâ

Image
PAKSÂ nais kong isulat ang samutsaring paksâ ng madaling araw nang di pa inaantok nakakapagod din ang maging maglulupâ na layunin ay baligtarin ang tatsulok mga ideya'y nagsulputang walang puknat habang karimlan pa'y pusikit at tahimik mga paksang sapat upang makapagmulat at bawat letra roon ay nais umimik bakit ba isip ay nasa himpapawirin? habang mga luha'y naglalandas sa pisngi bakit ba bituin ay lalambi-lambitin? upang makita ang diwatang kinakasi? bakit mga buwaya sa pamahalaan ay gutom na gutom at tila di mabusog? na kapara'y mga buwitre sa tanggapan nilang sinagpang ang kahit na lasog-lasog? aanhin ko ba ang naririyang palakol? para ba sa ulo ng korap na pahirap? na limpak-limpak ang kita sa ghost flood control paano ba gugulong ang ulo ng korap? - gregoriovbituinjr. 10.19.2025

Plan, Plane, Planet

Image
PLAN, PLANE, PLANET gaano man kapayak ang plano upang mabuhay sa bayang ito ang mamamayan mang ordinaryo mahalaga'y nagpapakatao hindi pinagsasamantalahan hindi inaapi ng sinuman dangal ay hindi niyuyurakan dignidad niya'y iniingatan tulad ng pag-ingat sa daigdig na binunga ng laksang pag-ibig sinisira ng mga ligalig mga dukha'y winalan ng tinig habang kayrami ng nauulol sa pondo't proyekto ng flood control ngayon, ang bayan na'y tumututol at protesta ang kanilang hatol sa gobyerno, laksa'y mandarambong na lingkod bayang dapat makulong halina't tayo'y magtulong-tulong at tiyaking may ulong gugulong karimlan man ay laging pusikit dapat madama nila ang galit ng bayang kanilang ginigipit sa madalas nilang pangungupit sa kaban ng bayan, ay, salbahe ang mga trapong kung dumiskarte ay di ang maglingkod o magsilbi kundi sa masa'y makapang-api - gregoriovbituinjr. 10.18.2025

Sa taho

Image
SA TAHO mayroong istiker sa lalagyan ng taho: sabi:  "Lahat ng kurakot dapat managot!" siyang tunay, korapsyon sana nga'y maglaho pati na mga corrupt, kurakot, balakyot! Oktubre na, wala pang nakulong na korap o baka ang kawatan ay pinagtatakpan ng kapwa kawatan, aba'y iyan ang hirap kanya-kanyang baho'y inamoy, nagtakipan dapat taumbayang galit na'y magsigising huwag tumigil hanggang korap na'y makulong magbalikwas na mula sa pagkagupiling at tiyakin ng masang may ulong gugulong di matamis kundi kumukulo sa galit ang lasa ng tahong binebenta sa masa pasensya ng masa'y huwag sanang masaid baka mangyari ang Nepal at Indonesia - gregoriovbituinjr. 10.17.2025

Panagutin ang mga balakyot

Image
PANAGUTIN ANG MGA BALAKYOT ikulong lahat ng mga sangkot sa flood control na mga kurakot panagutin lahat ng balakyot na kaban ng bayan ang hinuthot bayan na ang kanilang nilinlang silang mga tuso't mapanlamang mga lingkod bayang salanggapang na kaban ng bayan ang nilapang mga sakim sila't walang pusò basta bulsa lang nila'y tumubò kapara nila'y mga hunyangò na dulot sa bayan ay siphayò ginawa nila'y kahiya-hiya kayâ mundo tayo'y kinukutyâ dapat talaga silang mawalâ  sa poder, ibagsak na ng madlâ - gregoriovbituinjr. 10.16.2025 * litrato kuha sa Luneta, Maynila, Setyembre 21,2025

Kumilos ka

Image
KUMILOS KA umiyak ka magalit ka at kung di ka kumikilos eh, ano ka? dinastiya at burgesya trapong imbi namburiki ng salapi mula kaban nitong bayan silang mga manlilinlang at kawatan kaya pulos sila korap humahangos pag panggastos at panustos ang usapin nais nilang  bayan natin ay korapin at linlangin makibaka kumilos ka baguhin na iyang bulok na sistema - gregoriovbituinjr. 10.16.2025 * litrato kuha sa Mendiola, Maynila, Oktubre 2, 2025

Wakasan ang oligarkiya!

Image
WAKASAN NA ANG OLIGARKIYA! pusò ng oligarkiya'y talagang halang pati kakainin ng dukha'y sinasagpang sa buwis nga ng bayan sila'y nakaabang ugali nila'y mapanlinlang, mapanlamang katulad din nila ang mga dinastiya na ginawa nang negosyo ang pulitika iisang apelyido, iisang pamilya sila lang daw ang magaling sa bayan nila tingni, kung ikaw sa bansa nakasubaybay oligarkiya't dinastiya'y mga anay silang ang  bayan natin ay niluray-luray kaban ng bayan ang ninakaw at nilustay huwag na tayong maging pipi, bingi't bulag sa kanilang yamang di maipaliwanag wakasan na ang kanilang pamamayagpag sa pagkaganid nila'y dapat nang pumalag - gregoriovbituinjr. 10.16.2025 * litrato kuha sa Luneta, Maynila, Setyembre 21, 2025

Basura, linisin!

Image
BASURA, LINISIN! "Basura, linisin! Mga korap, tanggalin!" panawagan nila'y panawagan din natin dahil  BASURA plus KORAPSYON equals BAHA mga korap ay ibasura nating sadya kayraming kalat, upos, damo, papel, plastik! walisin na lahat ng mapapel at plastik! oligarkiya't dinastiya, ibasura! senador at kongresistang korap, isama! may korapsyon dahil may Kongresista Bundat kaban ng bayan ang kanilang kinakawat at may korapsyon dahil may Senador Kotong na buwis ng mamamayan ang dinarambong tarang maglinis! baligtarin ang tatsulok! sama-samang walisin ang sistemang bulok! O, sambayanan, wakasan na ang korapsyon! kailan pa natin gagawin kundi ngayon! - gregoriovbituinjr. 10.15.2025 * litrato kuha sa Luneta, Setyembre 21, 2025

Maging magsasaka sa lungsod

Image
MAGING MAGSASAKA SA LUNGSOD halina't tayo'y magtanim-tanim upang bukas ay may aanihin tayo man ay nasa kalunsuran mabuti nang may napaghandaan baka di makalabas at bahâ lepto ay iniiwasang sadyâ noong pandemya'y di makaalis buti't may tanim kahit kamatis ipraktis na ang urban gardening nang balang araw, may pipitasin alugbati, talbos ng kamote okra, papaya, kangkong, sayote magtanim sa maliit mang pasô, sa lata, gulong na di na buô diligan lang natin araw-araw at baka may bunga nang lilitaw - gregoriovbituinjr. 10.14.2025 * litrato kuha sa Villa Immaculada, Intramuros, Maynila, Oktubre 4, 2025

Paalala sakaling magkalindol

Image
PAALALA SAKALING MAGKALINDOL naglindol, kayâ payò ng mga kasama ay huwag manatili sa mga gusaling gawa ng DPWH at kontraktor at baka mabagsakan ng kanilang gawâ dahil sa mga ghost project ng flood control dahil patuloy pa ring bahâ sa Bulacan dahil sa korapsyon sa DPWH wala nang tiwalà ang bayan sa kanila baka nga pulos substandard na materyales ang ginamit dahil kinurakot ang pondo ng bayan, ibinulsa ng mga buwaya kaya materyales talaga'y mahuhunâ katiwalian nila'y parang tubig bahâ hahanap at hahanap ng mapupuntahan habang ang masa naman ay nakatungangà walang ginagawâ, hay, walang ginagawâ Oktubre na, wala pang nakulong na corrupt! nganga pa rin ba pag dumating ang  The Big One ? ikulong na ang mga kurakot! ikulong! kung maaari lang, bitayin sila ngayon! - gregoriovbituinjr. 10.13.2025 * litrato mula sa kinasapiang messenger group

Pagsisikap

Image
PAGSISIKAP narito pa rin akong / lihim na nagsisikap upang tupdin ang aking / mga pinapangarap nagbabakasakaling / may ginhawang malasap kahit laksang problema / itong kinakaharap kayâ patuloy akong / kumakathâ ng kwento, tulâ, dulâ, sanaysay / bilang paghahandâ ko upang unang nobela / ay makathang totoo at maipalathala't / maging ganap na libro mabuti't may Talibâ / ng Maralitâ pa rin upang maikling kwento / ay malathala man din dalawang pahinâ lang / kung papel ay tiklupin Taliba'y publikasyon / nang dukha'y may basahin salamat sa nagla-like / ng aking mga kathâ sanaysay, dulâ, kwento, / lalo na't mga tulâ  pagkat tula'y tulay ko / sa sambayana't dukhâ  sa kanila nanggaling / ang sa kwento ko'y diwà - gregoriovbituinjr. 10.12.2025

ALTANGHAP (ALmusal, TANGhalian, HAPunan)

Image
ALTANGHAP (ALmusal, TANGhalian, HAPunan) pritong isda, talbos ng kamote okra, bawang, sibuyas, kamatis pagkain ng maralita'y simple upang iwing bituka'y luminis sa katawan nati'y pampalusog nang makaiwas sa karamdaman puso't diwa man ay niyuyugyog ng problema ay makakayanan iwas-karne na'y patakaran ko hangga't kaya, pagkain ng prutas ay isa pang kaygandang totoo pagkat iinumin mo ang katas aba'y oo, simpleng pamumuhay at puspusan sa pakikibaka dapat tayo'y may lakas na taglay lalo na't nagsisilbi sa masa - gregoriovbituinjr. 10.12.2025

Maging bayani ka sa panahong ito

Image
MAGING BAYANI KA SA PANAHONG ITO maging bayani ka / sa panahong ito laban sa korapsyon / ng mga dorobo bahâ sa probinsya't / lungsod nating ito pagkat ibinulsa / mismo nila'y pondo ng bayan, trapo ngâ / ang mga kawatan na 'naglilingkod' daw / sa pamahalaan aba'y senador pa't / konggresista iyan at mga kontraktor / ang kasabwat naman masa'y niloloko / nitong mga hayok sa salapi, masa'y / di dapat malugmok subalit di sapat / ang sanlibong suntok sa mga nilamon / ng sistemang bulok tuligsain natin / lahat ng kurakot at singilin natin / ang dapat managot ipakulong natin / ang lahat ng sangkot at tiyaking sila'y / di makalulusot sa panahong ito / ay maging bayani unahin ang bayan, / at di ang sarili singilin ang trapong / kunwari'y nagsilbi panagutin natin / silang tuso't imbi - gregoriovbituinjr. 10.12.2025 * litrato kuha sa Foro de Intramuros, Oktubre 11, 2025, sa aktibidad ng grupong Dakila

Gulay sa hapunan

Image
GULAY SA HAPUNAN iwas-karne at mag-bedyetaryan pulos gulay muna sa hapunan ganyan ang buhay ng badyetaryan batay sa badyet ang inuulam sa katawan natin pampalakas ang mga gulay, wala mang gatas may okra, kamatis at sibuyas pulos gulay na'y aking nawatas iyan ang madalas kong manilay upang kalamnan nati'y tumibay payo rin ito ng aking nanay kaya kalooban ko'y palagay sa hapunan, ako'y saluhan n'yo at tiyak, gaganahan din kayo - gregoriovbituinjr. 10.10.2025

Tatlong herbal na inumin

Image
TATLONG HERBAL NA INUMIN di naman iinumin nang sabay magkasunod o isang tunggaan may pagitan itong isang oras mainit na tubig lang ang sabay sayang kung tubig ay iinitin kada oras sa takure namin kaya tatlong baso'y pagsabayin ngunit di lang sabay iinumin isang baso'y salabat o luya dahon ng guyabano ang isa isa nama'y sambasong bawang pa inuming pampalakas talaga iyan na ang aking iniinom gabi, umaga, tanghali, hapon hay, kayrami pang trabaho't misyon dapat katawa'y malakas ngayon - gregoriovbituinjr. 10.10.2025

Dahil sa misyong dakila

Image
DAHIL SA MISYONG DAKILA parang araw-araw na lang, lagi akong tulala subalit dapat ipakita kong ako'y masigla kahit hindi, sapagkat ako'y isang mandirigma at nalulutas iyon, dahil may misyong dakila iyon ang bumubuhay sa akin sa araw-gabi nakapagpapasigla pa ang pagdalo sa rali kaya sa anumang laban, di ako nagsisisi na kabilang ako sa mga sa bayan nagsilbi tulad ko'y ang mandirigmang Ispartang si Eurytus na hanggang sa huling sandali'y nakibakang lubos di gaya ng Ispartang duwag, si Aristodemus kinahiya ng kanyang lipi, di nakipagtuos kumikilos pa ako't patuloy na lumalaban upang tuluyang mapawi ang mga kabulukan ng sistema't itatag ang makataong lipunan iyan ang dakila kong misyon hanggang sa libingan - gregoriovbituinjr. 10.09.2025

BOTO, BOGO, BOFO

Image
BOTO, BOGO, BOFO Buy One, Take One: BOTO Buy One, Get One: BOGO Buy One, Free One: BOFO iba'y ibang daglat sa bibilhing sukat iyan nga ba'y sapat na pawang pakulô nang tinda'y lumagô nang sila'y tumubò pag binili'y isa may libre pang isa may kita na sila ang  BOTO  ng masa sana'y di ibenta sa tusong burgesya BOTO  mo'y butatâ pag nanalo na ngâ ay trapong kuhilà  - gregoriovbituinjr. 10.09.2025 * litrato mulâ kung saan-saan

Ako'y bato

Image
AKO'Y BATO ako'y bato, apo ni Batute na pagtula'y tungkulin at mithi pinaliliwanag anong sanhi bakit sistema'y nakamumuhi bagamat bato ay batong buhay idinaraan na lang sa nilay ang kinakatha kong tula'y tulay sa sinapupunan hanggang hukay ako'y bato ay di naman kalbo kahit minsan ay nagdedeliryo pag si misis pinuntahan ako anong sarap ng pakiramdam ko pananim niya'y dinidiligan ng mga luha ko't kalungkutan na balang araw, lalago naman upang bunga'y mapakinabangan - gregoriovbituinjr. 10.09.2025

Tarang mag-almusal

Image
TARANG MAG-ALMUSAL patibayin ang katawan at busugin din ang tiyan kumain na ng agahan upang di ka panghinaan mahirap kung walang kain kung maraming lalakarin dahil baka ka gutumin ay baka maging sakitin tara munang mag-almusal upang di babagal-bagal at din rin hihingal-hingal sa daraanan mang obal dapat tumatag ang isip na kayraming nalilirip busog ay may halukipkip at lakas ang kahulillip - gregoriovbituinjr. 10.08.2025

Kami'y mga apo ni Leonidas

Image
KAMI'Y MGA APO NI LEONIDAS kami'y mga apo ni Leonidas mandirigmang lumalaban ng patas mandirigma ang tinahak na landas marangal, sa labanan ay parehas katulad ko'y Ispartang si Eurytus maysakit man ay lumaban ng lubos nang sa Thermopylae, siya'y inulos hanggang mga mandirigma'y naubos di gaya ng isang Ispartang duwag na ang sariling buntot ay nabahag si Aristodemus na nangangarag sa digma'y umuwi, di nakibabag kami'y mga aktibistang Spartan na laging handâ sa anumang laban na misyon ay baguhin ang lipunan nang ginhawa'y kamtin ng buong bayan - gregoriovbituinjr. 10.07.2025 * litrato mula sa google

Guyabano tea

Image
GUYABANO TEA dahon ng guyabano at mainit na tubig paghaluin lang ito nang lumakas ang bisig at buo mong kalamnan na ang lasa'y kaysarap tanim lang sa bakuran di na ako naghanap guyabano na'y tsaa inumin nang lumusog paggising sa umaga o bago ka matulog tikman, guyabano tea madaramang lalakas at di ka magsisisi kalusugan mo'y wagas - gregoriovbituinjr. 10.06.2025

Puna ni Marcelo

Image
PUNA NI MARCELO anong tinding puna ni kasamang Marcelo na tanda ko pa't tagos sa diwa't pusò ko "bakit di ka nila-like ng kolektibo mo?" punang yumanig sa buo kong pagkatao noon nama'y di ko iyon iniintindi katha lang ng katha, sa pagkilos nawili ngayon lang natantong wala akong kakampi dumaan ang birthday, wala silang nasabi ngunit sila'y akin pa ring inuunawà kaya ganyan sila'y ako rin ang maysalà kasi ako'y di nila kaututang-dilà kasi ako'y laging abala sa pagkathâ salamat, Marcelo, manggagawa sa Rizal tunay kang kapatid sa rebolusyo't dangal puna mo'y tama't humihiwang tila punyal sa pusong nagdugo na't tila ba napigtal puna mo'y bumaon ng kalalim-laliman  sa aking pusò bilang tibak na Spartan  simpleng tanong na sumugat sa katauhan ito'y punang dadalhin ko hanggang libingan  - gregoriovbituinjr. 10.06.2025

Sa laging nag-aaya na gabi-gabing mag-inom

Image
SA LAGING NAG-AAYA NA GABI-GABING MAG-INO para raw makalimot sa aking pinagdaanan iyan ang payo sa akin ng isang manginginom noong birthday ko ay di ko raw siya tinagayan aba'y bakit ko tatagayan ang senglot na iyon dadamayan daw niya ako upang makalimot sa pinagdaraanang hapdi raw ng pagkawala ni misis sa sakit, siya rin daw ay nalulungkot kaya kaming dalawa raw ay magsitagay na nga kanyang sinabi'y palsong katwiran para sa akin bakit ko naman lilimutin ang tangi kong sinta gayong si misis ang diwatang laging sasambahin ayokong lumimot, nais ko siyang maalala mahirap kausap ang lasenggo o lasenggero na araw-gabi, may hawak na bote, naglalasing pabaya sa pamilya, tapos yayayain ako mas mabuti pang matulog ang sa kanya'y pasaring - gregoriovbituinjr. 10.04.2025