Posts

Showing posts from November, 2025

Tayo'y mga anak ni Bonifacio

Image
TAYO'Y MGA ANAK NI BONIFACIO ngayong araw ng bayaning  Gat Andres Bonifacio ipakitang tunay na mga anak niya tayo, anak ng bayan, ayon iyan sa tagapangulo ng Partido Lakas ng Masa, Ka Sonny Melencio Supremo'y di bulag o pipi, o kaya'y nahiya pagkat kanyang tinatag ang Katipunang dakila nang wakasan ang pagsasamantala ng Kastila upang bayan ay mag-alsa't tuluyan nang lumaya salamat, Ka Sonny, sa paalala mo sa amin kaya mga kurakot ay binabatikos man din ang mga buwaya't buwitre sa gobyerno natin ay raralihan, tutuligsain, papanagutin hanggang kamtin ng bayan ang asam ng  Katipunan na malayang bansang walang mapang-api't gahaman na walang tiwali't kurakot sa pondo ng bayan di makakapamuno ang kurakot at kawatan sila'y di na natin hahayaang magsamantala di na dapat mamayagpag ang mga dinastiya di naman tayo mararahas basta may hustisya ang nais lang natin ay makatarungang sistema - gregoriovbituinjr. 11.30.2025

Taas-kamao

Image
TAAS-KAMAO nagpupugay ako sa lahat ng dadalo sa pagkilos ng masa sa Nobyembre Trenta laban sa mga kurakot na pulitiko masa'y lumahok man sa Luneta o Edsa tungong pangarap na lipunang makatao tungong pangarap na mabago ang sistema na mawalâ ang mga buktot sa gobyerno na mawalâ ang mismong kurakot talaga pagsaludo, taas-kamaong pagpupugay dahil nagpapatuloy ang ningas ng galit ng masa, huwag itong hayaang mamatay dahil ginawa sa bansa'y napakalupit dapat mapanagot ang mga walanghiyâ! sigaw natin: ikulong lahat ng kurakot! lalo't trapo't dinastiya'y kasumpa-sumpâ tiyaking mga sangkot ay di makalusot - gregoriovbituinjr. 11.29.2025

Pag Biyernes, ikalima ng hapon sa Edsa Shrine

Image
PAG BIYERNES, IKALIMA NG HAPON SA EDSA SHRINE ilang Biyernes ng gabi na bang ako'y tumulâ  sa Edsa Shrine na ang kasama'y ilang kabataan  alas-singko ng hapon ay hinahabol kong sadyâ  maikling programa, bago alas-sais tapos na isa itong commitment para sa literatura katapatan sa panitik nitong abang makatâ katapatan sa pakikibaka laban sa mga kurakot, buwaya, buwitre, at tusong kuhilà binigyan ako ng pambihirang pagkakataon ng kasaysayan upang tumulâ para sa nasyon basta makatulâ lang, kahit butas ng karayom ay papasukin, titiyaking makatulâ roon ganyan lang kapayak ang buhay ng abang makatâ anumang larangan, isyu't paksâ, handang tumulâ bawat Biyernes ng hapon, tiyak manunuligsa ng mga kurakot, araw-gabi mang naglulupâ - gregoriovbituinjr. 11.28.2025

BASI (BAwang, SIbuyas)

Image
BASI (BAWANG, SIBUYAS) pinagsamang sibuyas at bawang ang pampalakas nitong katawan na sa baso'y pagsamahin lamang at agad ko itong babantuan ng mainit na tubig, talaga naman, at sadyang gaganahan ka inumin mo't bisa'y madarama tila nililinis ang bituka tawag ko'y  BASI  -  BA wang,  SI buyas kumbaga, ito ang aking gatas o pagkakain ay panghimagas kayrami nitong nabigyang lunas tara, uminom tayo ng BASI na kaiba sa alak na Basi tiyak namang di ka magsisisi kundi magiging super kang busy - gregoriovbituinjr. 11.23.2025

Ang payò nila hinggil sa pag-inom

Image
ANG PAYÒ NILA HINGGIL SA PAG-INOM birthday ni Dad sa Disisyete ng Nobyembre pamangkin ko sa Disiotso ng Nobyembre Disinwebe naman ang utol kong babae habang utol kong lalaki'y sa Bentesyete ngayong a-Onse, ikalimang death monthsary ng aking butihing asawang si Liberty ano't kayraming kaganapan ng Nobyembre sa araw ni Bonifacio pa'y magrarali may payò nga ang ama kong namayapa na na hanggang ngayon ay akin pang dala-dala: "Huwag kang mag-iinom pag nalulungkot ka. Mag-inom lang kung may okasyon o masaya." tiyak, iyan din ang nanaisin ng sinta huwag kong lunurin sa alak ang problema oo, sa payò sa akin ay tama sila Dad, Libay, salamat sa inyong paalala - gregoriovbituinjr. 11.11.2025 * litrato kuha sa kalapit na bar habang isang oras na naghihintay na magawâ ang tarp

Sunny side up sa sinaing

Image
SUNNY SIDE UP SA SINAING paano kung wala kang mantika sa bahay maulan at baha, ayaw mo nang lumabas subalit nais ng anak mo'y sunny side up na itlog, may paraan kung nais lumingap sa sinaing, bago pa mainin ang kanin bakatan ng puwet ng baso ang sinaing pag may puwang na, itlog ay iyong basagin at ilagay lang sa puwang, lagyan ng asin ang itlog, sandali'y lilipas, pag nalutò presto! may sunny side up na ang iyong bunsô sunny side up sa kanin, tanda ng pagsuyò at matalinong diskarteng di naglalahò may sapaw ka pang okra, may sunny side up pa anong sarap ng kain ninyo sa umaga sa gas o sa kuryente'y nakatipid ka na mga mahal mo'y matutuwa pang talaga - gregoriovbituinjr. 11.10.2025

Ang paalala sa kalsada

Image
ANG PAALALA SA KALSADA bakit mo tatawirin ang isang lansangan kung tingin mo'y magdudulot ng kamatayan mayroon doong babala, sundin lang iyan pag nabundol ka ba'y kaylaking katangahan? huwag sayangin ang buhay, dapat mag-ingat huwag magyabang na malakas ka't maingat sasakya'y di lata, katawa'y di makunat bawat babala'y dapat ipagpasalamat di ba't kaylaking babala nang binasa mo ang  "Bawal Tumawid. May Namatay Na Dito" madaling intindihin, wikang Filipino pag di mo unawa, banyaga ka ba rito? pag babala:  "Bawal bumaba" , e, di huwag! pag babala:  "Bawal lumiko" , e, di huwag! pag babala:  "Bawal tumawid"  e, di huwag! paano pag  "Bawal umutot!"  anong tawag? huwag maging tanga, huwag basta tumawid may tulay naman, dumaan doo'y matuwid kung nagmamadali ka, dapat mong mabatid na bawat paalala'y mag-ingat ang hatid - gregoriovbituinjr 11.06.2025

Upang di masayang ang wi-fi

Image
UPANG DI MASAYANG ANG WI-FI dahil sa wi-fi, dapat may ma-upload akong tulâ nang di masayang ang wi-fi na binayarang sadyâ  buwan-buwan, at kaysaya na kung may nalilikhâ tula bawat araw, isa, dalawa, tatlo pa ngâ may tulâ na agad pagmulat sa madaling araw mula sa napanaginipang gubat na mapanglaw rumagasâ, bahâ, nakita, nasuri, natanaw dahil sa wi-fi, mag-upload ay misyong agap-galaw isusulat, ia-upload yaong tulang nangusap bakit kaybagal ng hustisya sa mga mahirap habang may due process sa mga pulitikong korap dapat makapag-upload, wi-fi ay gamiting ganap ang tula't wi-fi ang komunikasyon ko't koneksyon sa daigdig mula paggising, pagmulat, pagbangon iba't ibang isyu ng masa'y ilantad ang misyon samutsaring tulâ ng makata'y i-upload ngayon kayâ wi-fi ay bigyang halaga, isang tungkulin iyon muna'y bayaran, kaysa bumiling pagkain kung paano popondohan ito'y pakaisipin  para sa abang makatang walâ sa toreng garing - gregoriovbituinjr. 11.06.2025

Pagpapakain sa iba pang pusà

Image
PAGPAPAKAIN SA IBA PANG PUSÀ batid daw ng pusà kung sino ang mabait na maaaring magpakain sa kanila minsan, darating ako, sila'y nakatingin baka may pasalubong akong tira-tira mahirap din namang sila'y ipagtabuyan natutuwa nga ako't may sumasalubong pag-uwi ko galing sa maraming lakaran natirang ulam bigay ko sa mga iyon pag bibili o magluluto ng pagkain iniisip na ring sa kanila'y magtira kaya di lang ako ang kakain, sila rin lalo't sa kalsada lang sila nakatira ibinubulong ko nga sa kanila lagi bantayan ang bahay, may dala akong ulam na basta meron ako, sila'y kabahagi tiyak, gagaan na ang aking kalooban - gregoriovbituinjr. 11.05.2025 * mapapanood ang munting bidyo sa kawing na:  https://www.facebook.com/share/v/1W2NKyeJLn/  

Tibuyô

Image
ANG IKATLO KONG TIBUYÔ natutunan ko kay Itay ang magtipid sa tibuyô isang aral iyong tunay sa puso't diwa'y lumagô maganda muling simulan ang magtipid sa tibuyô sampung piso lang ang laman na balang araw, lalagô ikatlo ito sa akin una'y nasa isang bahay nasa tatlong libo na rin nang mapunô iyong tunay ang ikalawa'y nawalâ nasa dalawang libo na noong bahay ay ginawâ umuwi ako'y walâ na sana, ikatlong tibuyô ay mapunô ko ng barya bente pesos, tigsasampû tiyagâ lamang talaga - gregoriovbituinjr. 11.04.2025 * tibuyô - salitang Batangas sa Kastilang alkansya

Ang buhay ay isang paglalakbay

Image
ANG BUHAY AY ISANG PAGLALAKBAY ang buhay ay isang paglalakbay tulad ng kinathang tula'y tulay sa pagitan ng ligaya't lumbay sa pagitan ng bulok at lantay sa pagitan ng peke at tunay nilalakad ko'y mahabang parang lalampasan ang anumang harang pahinga'y adobo at sinigang muli, lakad sa gubat at ilang bagamat sa araw nadadarang tao'y pagkasanggol ang simulâ sunod mag-aaral mulâ batà hanggang magdalaga't magbinatâ ikakasal habang talubatâ panaho'y lilipas at tatandâ ang mahalaga rito'y paano isinabuhay kung anong wasto lalo na sa pagpapakatao at pakikipagkapwa sa mundo habang ginagawa anong gusto di ang pagkamal ng kayamanan o ng pribadong ari-arian na kinurakot sa kabang bayan yamang pagkatao'y niyurakan yamang di dala sa kamatayan - gregoriovbituinjr. 11.04.2025

Sabaw ng talbos ng kamote't okra

Image
SABAW NG TALBOS NG KAMOTE'T OKRA pinainit na ang tiyan nitong umaga ininom ang mainit na sabaw ng okra at talbos ng kamote, na di man malasa ay tiyak na ito'y pampalakas talaga nagising kasi kaninang madaling araw sa labas ng bahay ay may nakitang ilaw nagsindi palang kandila ang kapitbahay na hanggang sa ngayon ako pa'y nagninilay di pa makatulog gayong nais umidlip mamaya, pagod kong mga mata'y pipikit ipapahinga ang katawan, puso't isip upang mga tula sa diwa'y iuukit kailangang laging malusog ang katawan laging isipin ang lagay ng kalusugan kaya talbos ng kamote't okra'y mainam na ulam pati sabaw nitong pang-agahan - gregoriovbituinjr. 11.02.2025