Posts

Showing posts from December, 2025

Maramihan ng si: SILA o SINA?

Image
MARAMIHAN NG SI: SILA O SINA? tanong sa Labing-Apat Pababa: ano raw ang  "Maramihan ng si" ? ang lumabas na sagot ay SILA imbes dapat na sagot ay SINA tanong na iyon ay tinamaan ang nasa Labingsiyam Pahalang ang tanong ay Lakers sa N.B.A. sagot ay Los Angeles o L.A. ang isahan ng SILA ay SIYA SI naman ang isahan ng SINA kaya mali yaong katanungan sa sinagutang palaisipan sa maling tanong, kawawa tayo tila ginagawa tayong bobo parang ito'y di na iniedit ng editor gayong merong sabit - gregoriovbituinjr. 12.31.2025 * krosword mula sa pahayagang Pang-Masa, Disyembre 31, 2025, p.7

Ang kahalagahan ng tuldik

Image
ANG KAHALAGAHAN NG TULDIK talagang mahalaga ang gamit ng tuldik na nilalagay sa ibabaw ng patinig upang maunawà ang bigkas ng salitâ at wastong kahuluga'y mabatid ding sadyâ halimbawa sa nailathalang balità: doble ang kahulugan ng  "magkakaanak" "magkakaának"  kung sila'y magkamag-anak "magkakaanák"  kung buntis na ang kabiyak pansinin mo ang tuldik na  "á"  sa salitâ naroon ang diin ng bigkas ng katagâ upang kahulugan ay agad maunawà bagamat di nagamit doon sa balità saan dapat itapat ang tuldik-pahilis ay dapat batay sa bigkas at kahulugan kaiba sa tuldik-paiwâ at pakupyâ na nararapat lang nating maintindihan - gregoriovbituinjr. 12.31.2025 * ulat mula sa pahayagang Bulgar, Disyembre 23, 2025, p.2

Paglalakbay sa búhay

Image
PAGLALAKBAY SA BÚHAY palakad-lakad, pahakbang-hakbang sa isang malawak na lansangan animo'y nagpapatintero lang sa maraming tao at sasakyan tumatawid sa mga kalsada sa dinaraanang sanga-sanga habang naglalakbay na mag-isa at nadarama'y lumbay at dusa mahalaga'y maraming manilay na isyu man o pala-palagay kayâ mga kathang tula'y tulay patungo sa pangarap na búhay: isang lipunang mapagkalingà bansang maunlad at maginhawà walang balakyot at walanghiyâ wala ring kurakot at kuhilâ - gregoriovbituinjr. 11.28.2025 * mapapanood ang bidyo sa kawing na:  https://www.facebook.com/share/r/1ANtdYnMX2/  

Maging bayani

Image
MAGING BAYANI nakodakan puntang pulong hinggil sa kasaysayan mula sa kitaan ay amin itong nadaanan paalala'y:  "Be a hero to our heroes' children" maging bayani tayo, aba'y kaygandang isipin kaytinding usapin ngayon ang malalang korapsyon mga bayani kung nabuhay pa'y tiyak babangon palalayain ang bayan mula sa pagkasadlak sa kumunoy ng katiwalian, pusali, lusak anong lalim ng kanina lang ay pinag-usapan ng Kaisahan sa Kamalayan sa Kasaysayan (Kamalaysayan): kultura, konsepto, pagkatao, ang pagkabuo ng bansa, anong tungkulin dito paano matanaw ang liwanag sa laksang dilim lalo na't ngayon korapsyon ay karima-rimarim sinagpang ng ahas, pating, buwaya, at buwitre ang buwis at pondo ng bayan, talagang salbahe kaya hamon sa atin ang nasabing paalala na laban sa korapsyon, tayo'y may magagawa pa dinastiya't oligarkiya'y tuluyang mabuwag pangarap na sistemang patas ay dapat itatag - gregoriovbituinjr. 12.27.2025

Kayrami palang search engine

Image
KAYRAMI PALANG SEARCH ENGINE natutunan ko sa isang palaisipan na sa internet pala'y kayraming  search engine lalo't mananaliksik kang may hinahanap mga impormasyong dapat mabasa man din nariyan ang  Rambler, Infospace, Blekko, Yahoo, Altavista, Gigablast, Webopedia, Blingo, Yandex, Google, Dogpile, Naver, Lycos, Otalo, Excite, Hotbot, Mamma, Yippy, Iwon, Mahalo samutsaring makina sa pananaliksik Yahoo  at  Google  lang ang madalas kong gamit ang iba'y susubukan kong may pagkasabik lalo't may hinahanap ako't hinihirit salamat at may  Word Search  o  Hanap Salità at ganitong datos ay nahanap kong biglâ - gregoriovbituinjr. 12.27.2025

Di ko ginagamit ang "pero" sa akdâ

Image
DI KO GINAGAMIT ANG "PERO" SA AKDÂ matagal ko nang di ginagamit ang "pero" salitang Kastilà, salitang Mehikano gayong may katumbas sa wikang Filipino na dapat gawing palasak, gamitin ito sa wikang Ingles, ang salitang"pero" ay "but" sa ating wika'y ngunit, subalit, datapwat ang mga iyan ang gamit ko sa panulat sa tula, kwento, sa ganyan ako maingat nais kong patampukin ang sariling wikà bilang makatâ sa katutubong salitâ upang mapatampok din ang ninunong diwà habang nakikibaka kapiling ng dukhâ  ngunit, subalit, datapwat , bagamat mithî mga salitang ganito'y pinanatili di wikà ng mga mananakop na imbi kung may katumbas naman, gamiting masidhi - gregoriovbituinjr. 12.21.2025 * kahulugan ng mga salita mula sa Diksiyonaryong Adarna

Tama ang Thailand fans!

Image
TAMA ANG THAILAND FANS! tamâ ang Thai fans, nandayà ang Pilipinas sa paggamit ng mga banyagà sa Gilas na di gumagamit ng katutubong Pinoy na tingin sa mga katutubo'y kolokoy ginamit ay mga naturalized citizen na di naman kabayang tumubò sa atin para lang makapaglarô sa bansang ito pinasok ang pagiging naturalisado sadyang matindi ang colonial mentality walang tiwala sa katutubo't sarili ang mga lider ng isports sa ating bansâ sa mga atletang banyagà nagtiwalà para silang mga kurakot sa flood control kitang kita na ang kanilang pambubudol para kamtin ng bansâ ang medalyang gintô ay di nagsikap magsanay ng katutubò nakakahiyâ, kaytinding katotohanan pati pala sa isports, uso ang dayaan kayâ Thailand, mabuti't inilantad ninyo mabuhay kayo sa pagsabi ng totoo - gregoriovbituinjr. 12.20.2025 * ulat mula sa SportsTalkPh sa kawing na: h ttps://www.facebook.com/share/p/1Cf6GWfftE/ at sa JerAve 24 page sa kawing na: https://www.facebook.com/share/p/1APyDPBWBS/   

Ang tungkulin bilang makatâ ng bayan

Image
ANG TUNGKULIN BILANG MAKATÂ NG BAYAN minsang tinuring na / makatâ ng bayan nang tula'y binigkas / sa isang pagkilos karangalang pag may / rali sa lansangan patutulain ka't / dapat handang lubos may ilang tungkuling / isinasabuhay lalo't tinuring kang / makatâ ng bayan pinahalagahan / kayâ nagsisikhay nang tungkuling ito'y / sadyang magampanan alamin ang datos / at isyu ng madlâ sapagkat lalamnin / ng tulang gagawin tutulâ sa rali / ng obrero't dukhâ nang kanilang diwa't / puso'y pag-alabin tulang karaniwang / may tugmâ at sukat pinagbuti bawat / taludtod at saknong madaling araw pa'y / mumulat, susulat sa isyu ng masa / laging nakatuntong kung may kathang tulâ / ang mga kasama hihingi ng kopya / nang aking matipon upang balang araw / ay maisasama sa maraming akda't / isaaklat iyon matinding tungkulin / subalit marangal gagawin ng husay / ang bawat gampanin kakathâ akong may / buong pagmamahal na para sa bayan, / tula'y bibigkasin - gregoriovbitui...

Ang pinakamataas na uri ng pagmamahal

Image
ANG PINAKAMATAAS NA URI NG PAGMAMAHAL marami ang nagsasabing ang pinakamataas na uri ng pagmamahal ay yaong paglilingkod sa kapwà, kayâ kumikilos ako't nangangarap ng lipunang patas, walang dukhang naninikluhod upang karapatang pantao nila'y irespeto kinikilala ang dignidad kahit sila'y dukhâ lipunang nawa'y makamit - lipunang makatao naglilingkod sa ating kapwà, dukha't manggagawà walang dinastiya, oligarkiya, hari, pari walang magsasamantala't mang-aapi sa bayan binaligtad ang tatsulok, wala nang mga uri walang pribadong pag-aari, wala nang gahaman nakikipagkapwa't nagpapakatao ang lahat ang pinakamataas na uri ng pagmamahal sa prinsipyong ito'y wala akong maisusumbat humayo tayo't sa kapwa'y magsilbi ng may dangal - gregoriovbituinjr. 12.15.2025

O, Pag-ibig!

Image
O, PAG-IBIG! kaysarap basahin ng mga tulâ nina  Balagtas  at  Huseng Batutè tagos sa dibdib ang kanilang kathâ tulad ng pag-ibig na di mawarì pananalita'y kayganda ng daloy handang mamatay dahil sa pag-ibig kaysarap dinggin, kaylupit ng latoy tiyak sinta'y kukulungin sa bisig inidolong makatang magigiting tula'y higit sa panà ni Kupido na sinta'y nanaising makasiping at makasama sa búhay sa mundo pagpupugay sa  Florante at Laura ni Balagtas, ang Sisne ng Panginay kay Huseng Batutè, nagpupugay pa kanyang  Sa Dakong Silangan , mabuhay! - gregoriovbituinjr. 12.14.2025 * litrato kuha sa terminal ng dyip biyaheng UP Campus - Philcoa

Pagtatása at Pagtatasá (Assessment and Sharpening)

Image
PAGTATÀSA at PAGTATASÁ (Assessment and Sharpening) pag natapos ang plano at mga pagkilos  ay nagtatàsa o assessment nang maayos kung ang pagtatasá o sharpening ba'y kapos? at nakinabang ba ang tulad kong hikahos? kaya mahalaga ang dalawang nabanggit kung pagtatása o sharpening ba'y nakamit? sa pagtatasá o assessment ba'y nasambit? anong mga aral ang dito'y mabibitbit? mga plinano'y di dapat maging mapurol sa planong matalas, di sayang ang ginugol sa assessment ba'y ano kayang inyong hatol? buong plano ba'y naganap? wala bang tutol? tingnan mo lang ang tuldik sa taas ng letra at ang salita'y mauunawaan mo na  kayâ ngâ ang pagtatása at pagtatasá sa bawat organisasyon ay mahalaga - gregoriovbituinjr. 12.12.2025

Ayokong mabuhay sa utang

Image
AYOKONG MABUHAY SA UTANG ayokong mabuhay na lang upang magbayad ng utang tulad sa kwentong  "The Necklace" nitong si  Guy de Maupassant subalit kayraming utang na dapat ko pang bayaran ako'y nabubuhay na lang upang magbayad ng utang kayâ buô kong panahon sa bawat galaw ang layon paano bayaran iyon buong buhay ko na'y gayon habang kayraming kurakot mga pulitikong buktot kaygandang buhay ng sangkot silang sa bayan ay salot ikinwento ni  Maupassant sadyang wala ka nang buhay kumikilos parang patay nabubuhay parang bangkay di matulad kay  Mathilde Loisel  sa akdang  "The Necklace" yaong nais ko't mensahe sa kapwa ko't sa sarili sa tulad kong pulos utang tama ka,  Guy de Maupassant: ang nabubuhay sa utang ay wala nang kasiyahan - gregoriovbituinjr. 12.12.2025 * litrato mula sa google