Posts

Showing posts from January, 2026

Kahit saan sumuot

Image
kahit saan sumuot ay di makalulusot iyang mga kurakot na tuso at balakyot - tanaga-baybayin gbj/01.23.2026

Ikalima, hindi ika-lima

Image
IKALIMA, HINDI IKA-LIMA salitang ugat o pangngalan, di numero kayâ bakit may gitling ang panlaping "ika" di ba't kayâ panlapi, kinakabit ito sa salitâ, arâlin n'yo ang balarila maraming nalilito, may maling pagtingin sa paglagay ng gitling sa mga salitâ  ikalima, di ika-lima; walang gitling  ika-5, di ika5 yaong diwà nilalagyan ng gitling matapos ang "ika" sapagkat numero na ang kasunod niyon kayâ madali lang maunawâ talaga pagkakamali'y di na sana ulitin pa sana sa eskwelahan, maituro muli lalo sa mga estudyante't manunulat huwag nang ulitin yaong pagkakamali at sa wastong gamit ng gitling na'y mamulat - gregoriovbituinjr. 01.22.2026 * litrato mula sa krosword ng pahayagang Pilipino Star Ngayon, Enero 22, 2026, p.10

Ang sining

Image
ANG SINING halina magpatuloy tayong gumawa ng ingay laban sa mga kurakot na korapsyon na'y gamay lagi't lagi, sining ng pagtula'y isinasabay sa bawat rali, nang kurakot panaguting tunay kumilos tayo! at huwag manahimik na lamang! magalit tayo! singilin ang kurakot na iyan! lumabas tayo! karapatan nati'y ipaglaban! maningil tayo! panagutin ang mga kawatan! ang sining ay di lang upang aliwin ang sarili kundi ito'y isa sa palagi nating kakampi sa paglikha ng kasaysayan, tagos ang mensahe sa sambayanang kaytagal nang nagdurusa't api baguhin na ang sistema! hiyaw ng taumbayan! mga trapo't dinastiyang pulitikal, wakasan! lahat ng mga kurakot ay dapat parusahan! ikulong na 'yang mga kurakot! sigaw ng bayan! - gregoriovbituinjr. 01.19.2026

Patuloy lang sa pagkathâ

Image
PATULOY LANG SA PAGKATHÂ patuloy ang pagsusulat ng makatang nagsasalat patuloy na magmumulat upang isyu'y sumambulat patuloy na kumakathâ ng anumang isyu't paksâ hinggil sa obrero't dukhâ ikukwento, itutulâ na sa panitikan ambag na nais kong maidagdag saya, libog, dusa, hungkag, digmâ, ligalig, panatag ito na'y yakap kong misyon sulat, tulâ, kwento, tugon umaraw man o umambon para sa dalita't nasyon magdamag mang nagninilay akdang kwento't tula'y tulay sa masang laging kaakbay sa pagbaka man at lumbay - gregoriovbituinjr. 01.18.2026

Tambak-tambak

Image
TAMBAK-TAMBAK tambak-tambak ang isyu't problema ng bayan na isa sa matinding sanhi'y kurakutan ng buwaya't buwitre sa pamahalaan imbes bayan, sarili ang pinagsilbihan dilis ang nakulong, walang malaking isdâ kayâ gálit ng masa'y di basta huhupà sana'y maparusahan ang mga kuhilà at pangarap na hustisya'y kamtin ng madlâ tambak din ang pobreng di sapat ang pambili delata, bigas, palay, gulay, isdâ, karne presyo ng krudo, gasolina't pamasahe serbisyo'y ninenegosyo, tubig, kuryente  tambak ang lupà, walang matirhan ang dukhâ tambak ang mga kontraktwal na manggagawà inaagaw pa ang teritoryo ng bansâ sistemang bulok nga'y sadyang kasumpâ-sumpâ buwaya't buwitre nga, masa'y nilalamon sa ganyang tambak na problema'y anong tugon? ano ang iyong pananaw, anong solusyon? sistemang bulok palitan, magrebolusyon? - gregoriovbituinjr. 01.15.2026

E-Jeep pala, hindi Egypt

Image
E-JEEP PALA, HINDI EGYPT "Sumakay kami ng Egypt!" Sabi ng kaibigan kong dating OFW. "Buti, dala mo passport mo." Sabi ko. Agad siyang sumagot. "Bakit ko naman dadalhin ang passport ko, eh, sinundo ko lang naman ang anak ko upang mamasko sa iyo." "Sabi mo, galing kayong Egypt.." Ani ko. "Oo, e-jeep ang sinakyan namin punta rito." "Ah, 'yung minibus pala ang tinutukoy mo. E-jeep, electronic jeep, at hindi bansang Egypt." @@@@@@@@@@ e-jeep at Egypt, magkatugmâ isa'y sasakyan, isa'y bansâ pag narinig, singtunog sadyâ kung agad mong mauunawà ang pagkagamit sa salitâ pagkalitô mo'y mawawalâ ang dalawang salita'y Ingles mundo'y umuunlad nang labis sa komunikasyon kaybilis bansang Egypt na'y umiiral sa panahong una't kaytagal nasa Bibliya pang kaykapal bagong imbensyon lang ang e-jeep kahuluga'y electronic jeep kuryente't di na gas ang gamit - gregoriovbituinjr 01.10.2026

Pahayagang Baybayin

Image
upang pagkaisahin ang bayang mahal natin pahayagang Baybayin ay ating proyektuhin - tanaga-baybayin gbj/01.10.2026

Sa iyong ika-42 kaarawan

Image
SA IYONG IKA-42 KAARAWAN saan ka man naroroon maligayang kaarawan ninamnam ko ang kahapon na tila di mo iniwan oo, nasa gunita pa ang mapupula mong labi akin pang naaalala ang matatamis mong ngiti tulad ng palaso't busog ni Kupido sa puso ko binabati kita, irog sa pagsapit ng birthday mo muli, pagbati'y tanggapin sa puso ko'y ikaw pa rin - gregoriovbituinjr. 01.06.2026

Balakyot - balatkayô ba?

Image
BALAKYOT - BALATKAYÔ BA? kayganda ng kanyang itinanong kung ang balakyot ba'y balatkayô? ah, marahil, dahil ang balakyot ay mapagbalatkayo at lilò sinagot ko siyang ang balakyot ay balawis, sukab, lilò, taksil at tumugon siyang gagamitin na rin niya ang salitang iyon pag mapagbalatkayong kaibigan matagal man bago mo malaman madarama mo ang kataksilan siya't lilo't balakyot din naman mapagkunwari't balakyot pala pinagsamaha'y sayang talaga kayhirap pag ganyan ang kasama na harapang pagtataksilan ka - gregoriovbituinjr. 01.04.2026

Aklat ng martial arts

Image
AKLAT NG MARTIAL ARTS buti't nabili ko rin ang librong  "Ang Sining ng Pakikipagtunggali at Pagtatanggol" magandang basahin, madaling unawain sa presyo ng libro'y sapat lang ang nagugol narito'y  Arnis, Karate, Tae Kwon Do, Kung Fu di lang ito tungkol sa pakikipaglaban kundi liwanag ng pananaw at prinsipyo pag-unlad ng diwà, malusog na katawan ang mga kilos dito'y masining sa ganda mga kata'y pinagi-ensayuhang sadyâ ang librong ito'y interesante talaga upang sa mang-aapi'y di basta luluhà kung sa pagtatangka'y di agad makakalas ay baka maipagtanggol ko ang sarili sa paglaban dapat katawan ay malakas upang di basta maagrabyado't ma-bully - gregoriovbituinjr. 01.03.2026

Sa litrato at sa gunita na lang

Image
SA LITRATO AT SA GUNITA NA LANG Bagong Taon, ngunit di ako Bagong Tao makatang tibak pa rin ngunit nagsosolo pagkat sinta'y wala na, wala nang totoo siya'y nagugunita na lang sa litrato maraming salamat, sinta, sa pagmamahal buti't sa mundong ito pa'y nakatatagal ang plano kong nobelang sa iyo'y inusal noon ay kinakatha't sana'y mailuwal at maipalathala't mabasa ng masa bagamat madalas katha'y tula talaga alay ko sa iyo ang una kong nobela balang araw, tayo rin nama'y magkikita mga litrato natin ay kaysarap masdan na aking madalas binabalik-balikan ika'y sa diwa't puso ko na nananahan litrato mo na lang ang madalas kong hagkan - gregoriovbituinjr. 01.01.2026